Pamamahagi ng libreng school supplies sa mga mag-aaral, sinimulan ng Muntinlupa LGU

Pamamahagi ng libreng school supplies sa mga mag-aaral, sinimulan ng Muntinlupa LGU

Ilang araw bago ang pagbubukas ng klase sa July 19, sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa sa pangunguna ni Mayor Ruffy Biazon ang pamamahagi ng libreng school supplies para sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan sa lungsod.

“Gusto nating matulungan at mabigyan ng motivation ang mga bata na mag-aral. Gusto din nating matulungan ang kanilang pamilya lalo’t mataas ang presyo ng bilihin ngayon,” ayon kay Biazon sa turnover ceremony sa Tunasan National High School ngayong Martes, Hulyo 23.

Ayon kay Biazon na nasa 98,000 na mag-aaral mula sa Early Childhood Education, Kindergarten hanggang Grade 12 ang makatatanggap ng libreng Balik Eskwela Package ngayong taon.

Ang mga estudyante ng Early Childhood Education ay makatatanggap ng school bag, 2 notebook, mga lapis, isang set ng krayola, at water bottle habang mabibigyan naman ang mga nasa Kindergarten hanggang Grade 12 ng school bag, notebooks, ballpen o pencils, pad paper, isang set ng krayola, at “MUNwalk” sneakers na nakatakdang ipamahagi sa susunod na mga linggo.

“Ang distribution na ito ay higit pa sa pagbibigay ng mga gamit sa paaralan; pinapakita rin nito na ang pamahalaang lungsod ay narito para suportahan ang mga mag-aaral sa kanilang edukasyon. Naniniwala tayo na ang bawat bata ay dapat may mga kagamitang kinakailangan para maging matagumpay, at gusto nating maisakatuparan ito,” dagdag pa ni Biazon.

Kabilang ang edukasyon sa prayoridad ng administrasyong Biazon sa ilalim ng 7K Agenda ng alkalde.

Nabatid na mahigit 80,000 estudyante ang kasalukuyang iskolar ng Muntinlupa City.  (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *