Pagpapatupad ng “First 1,000 Days’ grant pinamamadali na ni DSWD Sec. Gatchalian
Nais ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na maplantsa na ang mga kondisyon para sa implementasyon ng First 1,000 Days (F1KD) grant.
Kasunod ito ng pagbanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na kaniyang ipinanukala sa Kongreso ang dagdag na 4Ps benefits para sa mga buntis at nursing mothers sa ilalim ng 2025 national budget.
Una ng ipinanukala ni Gatchalian at ni DSWD Usec. Vilma Cabrera na taasan ang 4Ps grant amounts at magbigay ng cash grant para sa mga sanggol sa unang 1,000 days mula ng kanilang pagsilang.
Ito ay para maiwasan ang malnutrisyon sa mga bata.
Sa ngayon, ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay tumatanggap ng P750 kada buwan sa loob ng isang taon.
Mayroon ding tinatanggap na educational grant ang mga bata na nasa 4Ps households.
Kabilang dito ang P300 grant per month sa nasa elementarya sa loob ng 10-buwan; P500 kada buwan para sa mga nasa junior high school at P700 per month para sa mga nasa senior high school. (DDC)