P5M na halaga ng ayuda para sa mga kababaihan sa Laguna, siniguro ni Sen. Tolentino
Dahil sa matinding pagpapahalaga ni Senate Majority Floor Leader Senator Francis Tolentino sa sektor ng mga kababaihan ay ipinangako niya ang suporta na nagkakahalaga na limang (5) milyong piso bilang ayuda para sa kanilang mga programang pangkabuhayan sa isinagawang general assembly ng Serbisyong Tama Kababaihan (STK) na ginanap sa Laguna Sports Complex, Sta. Cruz, Laguna, ngayong araw ng Linggo, Hulyo 21.
Tinatayang aabot sa nasa 1,700 ang dumalong mga kababaihan mula sa tatlong munisipalidad ng probinsiya ng Laguna-Famy, Mabitac at Sta. Maria.
Batid ng senador ang importansya at kalakasan ng mga kababaihan lalo na sa kontribusyon nito sa ating bansa at ikinalugod rin ng mambabatas na naging bahagi siya ng isinagawang programa ng nasabing mga grupo ng kababaihan.
Hanga rin siya sa ipinakitang pagiging organisado ng nasabing sektor sa lalawigan ng Laguna.
“Nagpapakita po na ang organisadong kababaihan dito sa lalawigan ng Laguna ay masiglang-masigla. At ang ginagawa nila Governor Ramil at ni Congw. Ruth ay tama dahil binibigyan ng diin at focus ang kababaihan lalong lalo na sa aspetong pangkabuhayan. Kaya tama po ang tinatahak n’yong daan kaya hindi po ako nag-atubili na pumunta rito…”, ang pahayag ng senador.
Bukod dito, bumisita rin si Tolentino sa Laguna Disaster Risk Reduction Management Office kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging handa sa mga sakuna at kaligtasan ng komunidad.
Sa isang media interview, binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng pagtalakay sa mga pangunahing isyu ng bansa, partikular ang West Philippine Sea at agrikultura, sa nalalapit na State of the Nation Address ni Pangulong Marcos. Umaasa si Tolentino na mabibigyang-pansin ang mga mahalagang paksang nabanggit dahil sa kanilang malaking epekto sa kinabukasan ng bansa. (DDC)