784 pang PDLs ng BuCor lumaya na
Bilang parte sa selebrasyon ng Nelson Mandela International Day, lumaya na ang kabuuang 784 pang persons deprived of liberty (PDLs) ng Bureau of Corrections nitong July 11 hanggang July 18.
Inanunsyo ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na may kabuuang 15,143 PDLs ang lumaya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na culminating activity sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Sa naturang bilang, 468 rito ang lumaya matapos pagsilbihan ang kanilang sentensiya, 165 ang naabsuwelto, 122 ang nabigyan ng parole, 24 ang nahandugan ng probation at limang iba pa ang napagkalooban ng Executive Clemency.
Sinabi pa ni Catapang na kanilang kinikilala si Mandela dahil ginagabayan ang BuCor ng pamantayan ng Mandela rules kubg paano tratuhin ang PDLs ng may dignidad.
Si Mandela,na nakulong din noong kanyang kapanahunan, isang mabuting tao,lider at indibiduwal na mapagpatawad at handang lumimot, magpatuloy at gawing mas angat ang kanyang bansa ayon kay Catapang.
Ibinahagi naman sa PDLs ni South African Ambassador to the Philippines, Bartinah Tombizodwa Radebe-Netshitenzhe, ang kanyang karanasan sa bilangguan sa kanilang bansa dahil sa pagiging aktibista nito.
“Prison is not a good place, so you should not come back,” pahayag ng ambasador.
Idinagdag pa nito na ang isang PDL ay alam kung paabo magpatuloy at magkaroon ng positibong pananaw upang muling manumbalik sa lipunan.
Pinayuhan pa ni Ambassador Bartinah ang mga PDL na magdasal para sa patas at maayos na lipunan upang hindi na sila bumalik pa sa piitan.
Dumalo rin sa aktibidad sina Australian Second Secretary and Consul, Bindy Moore representing Australian Ambassador to the Philippines, Hae Kyong Yu; Daniele Marchesi, Country Manager, United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC); Gustavo Gonzalez, UN Resident and Humanaitarian Coordinator in the Philippines; Rafael Barreto Souza, Crime Prevention and Criminal Justice Office; Presidential Adviser on Muslim Affairs Almarin C. Tillah, Justice Undersecretary Deo Marco, Atty. Bienvenido Benitez, Administrator, Parole and Probation; Undersecretary Sergio Calizo, Jr., Chairperson, Board of Pardons and Parole; Atty. Persida Rueda-Acosta, Chief, Public Attorney’s Office; at Rey Sanglay, kinatawan ni NCR Regional Director, Atty. Sarah Buenos-Mirasol of the Department of Labor and Employment. (Bhelle Gamboa)