Rampa sa EDSA-Philam station ng EDSA Busway, hindi perpektong disenyo para sa mga naka-wheelchair ayon sa MMDA
Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang rampa sa EDSA-Philam station ng Busway station sa Quezon City ay hindi perpektong disenyo sa mga naka-wheelchair.
Sa pahayag ng MMDA, ipinaliwanag nito na ang disenyo ng rampa ay sinunod sa height restriction ng MRT.
Sa kabila nito, sinabi ng MMDA na malaking tulong pa rin ang rampa para sa mga senior citizen, buntis at iba pang PWDs dahil maaari nila itong magamit sa halip na umakyat sa hagdanan.
Dagdag pa ng MMDA, kung ikukumpara sa nag-viral na larawan, ang rampa ay hindi masyadong matarik kung ito ay lalakaran.
Tiniyak naman ng MMDA na magtatalaga sila ng mga tauhan para umasiste sa mga PWD na mahihirapang umakyat sa rampa.
Sinabi ng MMDA na inilagay ang rampa dahil sa limitadong espasyo ng istasyon at kung wala ito ay hindi mailalagay ang elevator sa istruktura para sa convenience ng mga commuters na sumasakay sa busway station. (DDC)