Lalaki timbog sa ilegal na droga at baril sa Taguig City
Isang lalaki ang inaresto ng mga tauhan ng Taguig City Police makaraang makumpiskahan ng umano’y ilegal na droga at baril sa kasagsagan ng drug buy-bust operation sa Barangay Central Bicutan ng lungsod ngayong Martes, July 16.
Ang suspek ay kinilalang si alyas Joy, 47-anyos, isang contractor.
Ayon sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa koordinasyon ng Sub-Station 7 personnel na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek.
Nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 31.6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱214,880, isang caliber .45 Armscor pistol, limang bala ng baril, isang magazine, at buy-bust money.
Ang narekober na ebidensiya ay itinurn-over sa SPD Forensic Unit para sa analysis.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition). (Bhelle Gamboa)