Call center agent na nangholdap sa convenience store sa Las Piñas City arestado
Dahil sa mabilis at epektibong pagresponde ng mga tauhan ng Las Piñas City Police, naaresto ang isang call center agent na nangholdap umano sa convenience store sa Rainbow Village, San Antonio Street Barangay Marcos Alvarez, Talon 5 sa lungsod ngayong Lunes, July 15.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) District Director BGen Leon Victor Rosete ang suspek na si alyas Allan, 48-anyos, isang call center agent.
Ayon sa ulat, mabilis na rumesponde sina Cpl Valle, Cpl Buenavista, at Pat Dabu, ng Talon Sub Station matapos matanggap ang report sa nangyaring holdap sa lugar.
Batay sa pahayag ng biktima na si alyas Daryl,20-anyos, cashier,na nagbibilang siya ng pera at nang ilalagay na sana nito sa loob ng vault ay biglang dumating ang suspek na nagpanggap na customer.
Hindi umano nagtanggal ng helmet ang suspek sa loob ng tindahan na ikinabahala ng biktima hanggang sa bumunot ng baril at nagdeklara ng holdap ang salarin.
Dito umano sinuntok sa kaliwang braso ang biktima at tinutukan ng baril ng suspek bago sapilitang tinangay ang cash na ₱67,314 na kita ng tindahan.
Tumakas ang suspek sakay ng isang motorsiklo patungong Alabang-Zapote Road.
Agad nagkasa ng hot pursuit operation ang mga pulis na nagresulta ng pagkaaresto ng suspek at nasamsam ang sling bag na naglalaman ng .9mm Armscor na baril, tatlong magazines, mga bala, holster, IDs at ang ninakaw na cash.
Sasampahan ang suspek ng mga kasong Robbery Hold-up with force intimidation, RA 10591 at RA 11235 (Motorcycle Crime Prevention Act). (Bhelle Gamboa)