Congw. Lani Mercado-Revilla nagsilbing guest speaker sa 24th Commencement Exercises ng Pamantasang Lungsod ng San Pablo
Binigyang inspirasyon ni Cavite 2nd District Congw. Lani Mercado-Revilla, kabiyak ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang nasa 1,497 estudyante sa isinagawang 24th Commencement Exercises ng Pamantasan ng Lungsod ng San Pablo, Laguna na ginanap sa San Pablo Convention Center, kahapon, Hulyo 12.
“Simple lang, walang imposible kung magpupunyagi at hindi susuko sa anumang hampas ng alon ng buhay.” Isang napakasimpleng ngunit makapangyarihang mensahe na nagpapaalala sa ating lahat na sa kabila ng mga pagsubok at hamon, kinakailangan nating manatiling matatag at may tapang. Huwag kayong panghihinaan ng loob at hindi kailanman dapat matakot sa unos o bagyo ng buhay. Sa halip, matutong sumayaw sa ritmo ng patak ng ulan,” ani Congw. Revilla sa harap ng mga estudyante, guro, magulang, at mga bisita.
Pinapaalala rin niya ang mga salitang binitawan ng ating pambansang bayani, Dr. Jose Rizal, na nagmula rin sa magandang lalawigan ng Laguna. “Kayo ang pag-asa ng bayan,” sabi pa niya, “sa inyong mga kamay nakasalalay ang kinabukasan.”
Bilang magulang, katulad ng kanyang kabiyak na si Senator Bong Revilla, humahanga rin ito dahil batid aniya ng senador na panatag siya na laging mangingibabaw sa inyo (mga nagsipagtapos) ang pagmamahal sa ating mahal na Pilipinas at sa kapwa Pilipino.
Binati rin at pinapurihan ni Congw. Revilla ang mga magulang at kapamilya na walang sawang sumuporta sa kanila. “Walang katumbas ang sayang dulot ng mga anak sa kanilang mga magulang sa tuwing kayo ay may maaabot na milestones,” ani niya.
“Saludo kami sa inyong mga nanay at tatay, lolo at lola, tito at tita, at sa lahat ng tumulong sa inyo upang makaabot sa puntong ito,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ng butihing solon ang pagsusumikap ni Senator Bong Revilla na mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga batas katulad ng panukalang “Anti No Permit, No Exam Policy Act” para sa mga mag-aaral. Hangad niya na magpatuloy ang mga kabataan na makakuha ng eksamen kahit minsan ay nagkakaroon ng pending na bayarin sa eskwelahan.
Bukod dito, naging batas na rin ang “Free College Entrance Examinations Act” na isinulong ni Senator Revilla. Aniya, hangad nito na gawing libre ang entrance examinations sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad para sa mga kapos ngunit matatalinong mag-aaral. Dagdag pa, hindi na umano hadlang ang kakapusan para unti-unting maabot ng kabataan ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng edukasyon.
Patuloy ding ipinaglalaban ng senador ang Senate Bill 1360 upang mapalawig ang sakop ng Tertiary Education Subsidy. Layunin nito na maisama sa subsidiya ang mga mag-aaral sa pribadong paaralan.
Sa huli, sinabi rin ng babaeng kongresista na katuwang sila ng lalawigan ng Laguna sa pagtatayo ng isang regional hospital dito. Ibinalita rin niya na nabigyan na ng pondo ni Senator Bong Revilla ang pagtatayo ng bagong regional hospital sa Laguna habang siya ay patuloy na nakikipag-usap at nakikipagtulungan kay Mayor Vic Amante para sa karagdagang gusali ng nasabing pamantasan.
Sa pagtatapos, binati ni Congw. Lani Mercado-Revilla ang mga graduates ng batch 2024. “The world is your oyster,” ani niya, “huwag kayong matakot mangarap ng mataas. Kami namang mga nakatatanda sa inyo ang magiging bagwis ng inyong mga pakpak upang maging matayog lalo ang inyong mga lipad.”
Siniguro rin niya na katuwang ang kanyang kabiyak na si Senator Bong Revilla, maasahan at makikipagtulungan pa sa mga programa at adhikain na kakailanganin para sa kapakanan ng mamamayan.