American national nanghina at bumagsak sa Immigration area sa NAIA
Agad dinala sa Makati Medical Center ang isang pasaherong American national na galing sa San Francisco matapos umanong manghina at bumagsak sa Immigration area sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City umaga ng Huwebes, July 4.
Kalalabas lamang sa sinakyang eroplano ng American national na si Gorge Anderson Bingham Jr. nang mangyari ang insidente sa lugar kaya agad tinawagan ang on-duty immigration supervisor na si Immigration Border Control intelligence Unit head (BCIU) Brian Allas.
Sa pagresponde naman ng MIAA medical team para bigyan ng agarang first aid ang pasahero, napag-alaman na bumaba ang blood pressure at oxygen level nito dahilan ng kaniyang panghihina.
Kasama sa umaalalay sa pasahero ang United Airlines staff at airlines security kung saan agad siyang isinakay sa stretcher para isugod sa pagamutan.
Nabatid na dumating sa airport ang pasaherong si Anderson dakong alas-6:46 ng umaga sa NAIA T3 sakay ng United Airlines flight UA-189 mula San Francisco USA. (Bhelle Gamboa)