P27B na pondo para sa hindi pa nababayarang emergency allowance, ilalabas na ng DBM
Nakatakda nang i-relase ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para mabayaran ng buo ang lahat Health Emergency Allowance (HEA) claims ng mga healthcare worker.
Ayon kay DBM Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman, lababas na ang P27 bilyon na pondo bukas araw ng Biyernes, July 5.
Matatandaang noong Mayo ng taong ito, opisyal na hiniling ng Department of Health (Philippines) (DOH) ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na nagkakahalaga ng P27.453 bilyon.
Ito ay para mabayaran ang natitirang 5,039,926 validated HEA at 4,283 COVID-19 Sickness and Death Compensation claims ng mga kwalipikadong healthcare at non-healthcare na manggagawa.
“Bilang pagtupad po sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, we will release the additional P27 billion requested by DOH for the settlement of unpaid HEA claims of our healthcare workers by Friday, July 5, 2024. This is a promise fulfilled. Kahit sa 2025 pa ito hinihiling ng DOH, sinikap po ng DBM na mas maaga itong tuparin, dahil deserve po ito ng ating mga manggagawa sa health sector,” ayon kay Pangandaman.
Sa kasalukuyan, nasa kabuuang P91.283 bilyon na ang naipalabas ng DBM sa DOH para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA), na sumasaklaw sa lahat ng benepisyo para sa mga healthcare worker mula 2021 hanggang 2023.
Sa halagang ito, P73.261 bilyon ang inilaan partikular para sa HEA. (DDC)