27 beauty products na nagtataglay ng nakalalasong mercury, nakumpiska sa mall sa Quezon City
Pinuri ng Toxic watchdog na BAN Toxics ang mabilis na aksyon ng Quezon City Health Department (QCHD) at ng Food and Drug Administration (FDA) matapos ang ikinasang operasyon laban sa bentahan ng mercury-added skin whitening creams sa mga mall sa lungsod.
Kasunod ito ng pagpapadala ng liham ng BAN Toxics sa QCHD at FDA para hikayatin ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa talamak na bentahan ng whitening creams sa Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Sa ginawang on-site investigation ng FDA at QCHD, natuklasan na 3 sa 7 beauty shops sa naturang mall ang nagbebenta ng ipinagbabawal na beauty products.
Malinaw itong paglabag sa FDA Act of 2009 at QC Ordinance 2767 S-2018.
Nakumpiska sa nasabing operasyon ang 27 beauty products, kabilang ang
– Goree Beauty Cream
– Goree Day & Night Beauty Cream
– Goree Gold 24K Beauty Cream
– 88 Total White Underarm Cream
Ang nasabing mga produktong pampaputi ay ipinagbawal na simula pa taong 2017 dahil sa taglay na nakalalasong mercury.
Hinikayat ni Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics ang mga beauty shop owners sa bansa na sumunod sa mga regulasyon hinggil sa ipinagbabawal na mga beauty products. (DDC)