Lalaki kalaboso sa ilegal na droga sa search warrant ops sa Las Piñas City
Kalaboso ang inabot ng isang lalaki matapos mahulihan ng hinihinalang ilegal na droga sa isinagawang anti-criminality operation ng otoridad sa Las Piñas City ngayong Martes, July 2 ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD).
Ang inarestong suspek ay kinilalang si alyas Jomar, 35-anyos, tinaguriang isang Street Level Individual (SLI).
Dakong alas- 12:15 ng madaling araw nagsilbi ng search warrant na inisyu ng korte ang mga operatiba ng Las Piñas City Police Station Drug Enforcement Unit sa bahay sa Barangay Talon Singko sa nasabing lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Ayon sa report nasamsam sa gitna ng operasyon ang 20 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng ₱136,000 at coin purse.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa detention cell ng Las Piñas PNP at inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban dito. (Bhelle Gamboa)