62 PCG personnel na nagligtas sa 2 mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc, binigyan ng parangal
Pinarangalan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mahigit 60 tauhan nito na nagligtas sa mga mangingisdang Pinoy na nasugatan matapos sumabog ang kanilang bangka sa bahagi ng Bajo de Masinloc.
Binigyan ng Bronze Cross ang 62 PCG personnel dahil sa kanilang pagresponde sa insidente kahit nakaranas sila ng shadowing at blocking mula sa barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation army (PLA) Navy.
Ayon mismo sa mga nailigtas na mangingisdang Pinoy, gamit ang radyo ay humingi sila ng saklolo.
May dumating na bangka na lulan din ang ilang mangingisdang Pinoy at iyon ang nagdala sa kanila patungo sa paparating na barko ng Coast Guard na BRP Sindangan.
Nangyari ang pagsabog ng Fishing Boat Akio noong June 29 at nasugatan ang 2 sa 8 mangingisdang sakay nito.
Matapos maisakay sa BRP Sindangan ang dalawang sugatan agad silang nabigyang ng paunang lunas sa tinamong second degree burns. (DDC)