9 na lalaking Chinese naaresto sa kahabaan ng Manila Bay
Hinuli ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang siyam na Chinese nationals dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa.
Ayon sa BI, lahat ng siyam na Chinese ay nahuli habang sila ay bumababa sa tatlong motorboats sa bahagi ng ParaƱaque Fishport, sa Brgy. Dongalo, ParaƱaque City.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na dinakip ang mga dayuhan ng mga tauhan ng intelligence division sa pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay BI intelligence division (ID) Chief Fortunato Manahan, Jr., tatlong buwan na isinailalim sa surveillance at intelligence gathering ang mga Chinese national habang sila ay sumasakay at bumaba sa bahagi ng Manila Bay.
Ang mga nadakip ay pawang edad 33 hanggang 54, at kinilalang sina Li Weilin, Liu Peng, Wang Yong, Huang Haibing, Gong Yuan Ju, Zhang Tao, Dai Guang Yuan, Li Jiang Yu, at Kang Tian De.
Apat sa kanila ay mayroong pasaporte at mayroong 9G visas habang ang lima ay pawang undocumented.
Sa visa ng apat, limitado lamang ito sa kanilang pagtatrabaho sa isang kumpanya sa Pasay City.
Kung mapatutunayang nagtatrabaho pa sila sa ibang kumpanya ay malinaw itong paglabag ayon sa BI.
Dinala muna sa BI facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig ang mga dayuhan. (DDC)