Monster Ship ng China Coast Guard naglayag sa karagatan ng Pilipinas sa nakalipas na ilang araw
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang presensya tinaguriang “monster ship” ng China Coast Guard sa West Philippine Sea.
Ayon kay Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela, gamit ang Dark Vessel Detection technology ng Canada, natunton ang monster ship na CCG 5901 sa nakalipas na 10-araw.
Noong June 17 lang umalis ang naturang barko mula Hainan at diretsong naglayag patungo sa territorial waters ng Pilipinas partikular sa bahagi ng Parola at Pagasa.
Pagkatapos ay nagtungo ito sa Zamora Reef kung saan ito nagpalipas ng gabi bago magtungo sa Bayani at Union Banks.
Noong June 20, dumating sa Kagitingan Reef bago ito nagtungo sa Exclusive Economic Zones naman ng Malaysia at Brunei.
Muli itong bumalik sa Philippine EEZ, dumaan sa Rizal Reef at Panganiban Reef noong June 23.
Kinabukasan, nagpatuloy ito sa paglalayag sa karagatan ng Pilipinas at nagtungo sa Escoda Shoal.
Nagtungo din ang CCG 5901 sa El Nido, Palawan at sa Bajo De Masinloc kung saan nakasama nito ang tatlo pang China Coast Guard vessels. (DDC)