Muntinlupa nagdaos ng “Katropa Seminars” para sa mga ama
Ngayong buwan ng mga Ama, mga tatay ang sumabak sa Kalalakihang Tapat sa Responsibilidad at Obligasyon sa Pamilya (KATROPA) seminar na isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa.
Nagdaos ang Muntinlupa Gender And Development Office (GAD) ng Kalalakihang KATROPA seminars bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa edukasyon tungo sa responsableng pagpapamilya.
Pinuri ni Mayor Ruffy Biazon ang programang ito bilang suporta sa mga inisyatiba ng kanyang administrasyon na palakasin ang pamilya at komunidad.
Layunin ng KATROPA seminar series na hikayatin ang pagiging responsableng magulang at epektibong pagdedesisyon lalo na sa mga ama, na karaniwang nagsisilbing ulo ng pamilya at sambahayan.
Bukod dito, magsasagawa rin ang GAD Office ng seminar na tumalakay sa mga paksa tulad ng pagpaplano ng pamilya, karahasan laban sa kababaihan at kanilang mga anak, oryentasyong sekswal, pagkakakilanlang pangkasarian at pagpapahayag ng kasarian, at pantay na karapatan.
Ang serye ng mga seminar ng KATROPA ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng GAD Office sa City Health Office at Muntinlupa Population Development Office. (Bhelle Gamboa)