Toxic-Free School Supplies isinulong ng BAN Toxics
Hinikayat ng toxic watchdog group na BAN Toxics ang mga magulang na maging maingat sa pagbili ng school supplies para sa kanilang mga anak.
Ayon sa grupo, ma ilang mga produkto ang kontaminado ng nakalalasong kemikal gaya ng lead at phthalates at delikado ito sa kalusugan ng mga bata.
Kabilang dito ang mga bag, water containers, lunch boxes, notebooks, pens, pencils, plastic covers, crayons, erasers, watercolors, at iba pang gamit ng mga bata kasama na ang kapote.
Sa ginawang market monitoring activity ng BAN Toxics, napansin din ng grupo na ilan sa mga ibinebentang school supplies ang walang maayos na label o walang production information.
Paalala ni Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics sa mga magulang, ugaliing magbasa ng labels at i-check ang safety ng mga produktong bibilhin.
Sinabi ng BAN Toxics na ang regulatory agencies gaya ng Department of Trade and Industry (DTI), Food and Drug Administration (FDA), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay may mga nailabas ng guidelines at paalala sa consumers patungkol sa pagbili ng school supplies.
Sa ilalim ng Chemical Order for Lead and Lead Compounds ng DENR, ipinagbabawal ang paggamit ng lead sa paggawa ng mga school supplies.
Noong nakaraang taon ay naglabas din ang DTI ng “Gabay sa Pamimili ng School Supplies,” kung saan pinapapaalalahanan ang publiko na ang mga bibilhing gamit ay dapat mayroong nakasulat na “non-toxic” at dapat may katibayan na pumasa ito sa pinapayagang toxicity levels. (DDC)