Higit P6M illegal drugs sa abandonadong parcels itinurn-over ng BoC sa NAIA-PDEA
Nasa pangangalaga ngayon ng Ninoy Aquino International Airport-Philippine Drug Enforcement Agency (NAIA-PDEA) ang kabuuang P6,186,924.00 na ilegal na droga na mula sa mga abandonadong parcel sa isang warehouse sa NAIA Complex, Pasay City.
Unang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) na mayroong 19 na abandonadong parcel galing sa iba’t ibang bansa na tangkang ipasok sa Pilipinas.
Agad sinuri ng BoC katuwang ang mga operatiba ng NAIA PDEA-IADITG ang nilalaman ng mga parcel na nagresulta ng pagkakatuklas ng mga ilegal na droga.
Ayon sa report, naglalaman ang mga parcel ng kabuuang 3,702.36 gramo na high-grade marijuana o kush na may standard drug price na aabot sa P5,183,304.00; 577 ml. na hinihinalang marijuana oil na nagkakahalaga ng P34,620; 570 pirasong Ecstacy tablet na aabot sa halagang P969,000.00; at dry opium poppy flowers na tinatayang 850 gramo na hindi pa matukoy ang halaga nito.
Ang mga narekober na ebidensiya ay isasailalim sa tamang dokumentasyon at disposisyon. (Bhelle Gamboa)