Mayor Alice Guo pinabulaanan ang paratang, walang sapat na ebidensya para tawaging kasabwat

Mayor Alice Guo pinabulaanan ang paratang, walang sapat na ebidensya para tawaging kasabwat

Nanindigan si Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na wala itong koneksyon sa anumang Philippine Offshore Gaming Operator(POGO) operations sa bansa kaya maling tawagin itong “conspirator” nang walang matibay na ebidensya.

Ang pahayag ay ginawa ni Mayor Guo bilang reaksyon sa kasong Anti-Trafficking in Persons na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice(DOJ) ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Giit ni Mayor Guo, ang pagkakaroon lamang ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal ay hindi sapat na batayan upang tawagin ang isang tao na kasabwat.

Inihayag ng alkalde na ang mga ganitong akusasyon ay kailangang masuportahan ng sapat na ebidensya.

“Ang pagiging conspirator ay may legal na batayan sa ating bayas. Ang pagkakaroon ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal, lalo na kung hindi malinaw, ay hindi sapat upang iugnay ang isang tao sa kaso, partikular na sa kaso ng Human Trafficking,” sabi ni Mayor Guo.

Binanggit niya na wala siyang anumang kaugnayan o pakikibahagi sa Zunn Yuan Technology, Inc. o anumang POGO sa bansa.

Kahit na hindi pa natatanggap ang kopya ng pormal na reklamo, nananatiling kumpiyansa si Mayor Guo na walang sapat na ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa mga paratang.

Ipinahayag niya ang kanyang pangamba na ang mga paratang ay maagang inilabas sa publiko bago pa man ipakita ang anumang kongkretong ebidensya.

“Mula pa noong araw ng raid noong Marso 13 hanggang sa kasalukuyan ay talagang pinipilit lamang akong iugnay sa kaso. Kung may ebidensya ay dapat noong maaga pa at nakasuhan na ako”paliwanag ni Mayor Guo.

Nanawagan si Mayor Guo na masusi munang imbestigahan ang mga kaso bago maglabas ng anumang pahayag sa publiko. Aniya, tila niluto muna sa publiko at sa media ang mga alegasyon bago ito isinampa laban sa kanya.

.”Dapat na manaig ang prinsipyo ng ‘innocent until proven guilty’, at mahalaga na igalang ang karapatang pantao at katarungan sa lahat ng aspeto ng anumang kaso,” dagdag pa niya.

Handa si Mayor Guo na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya, naninindigan sa kanyang pangako na ipagtanggol ang katarungan at transparency sa mga proseso.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *