Fun run ng Muntinlupa LGU matagumpay
Matagumpay ang idinaos na taunang fun run na may temang “Takbo, Tatay, Takbo” ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa sa Muntinlupa Sports Center bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng mga Ama.
Sinimulan ang fun run para sa 10K at 5K races sa pamamagitan ng warm-up exercises na sinundan ng gun start sa ganap na 5:15 ng madaling araw.
Ang mga kalahok ay nagsimula sa Sports Center, dumaan sa iba’t ibang kalsada at daan, at bumalik muli sa naturang center kung saan naglaan ang lokal na pamahalaan ng portable restrooms at water stations para sa mga runners.
Nanalo ng P10,000 cash prize si Carlito Fantilaga ng Brgy. Sucat bilang first placer ng 10K race, at P7,000 naman ang naiuwi ni Eric Medalla na nagwagi sa 5K race habang nakatanggap ng cash prizes ang iba pang top finishers.
“Health and wellness ang pinopromote natin kaya nakakatuwa dahil naipakita ng participants ang kanilang strength and perseverance. Ineencourage din natin ang kalalakihan at lahat ng Muntinlupeño na magkaron ng fitness program para mapanatiling malusog at malakas ang katawan dahil kailangan tayo ng ating pamilya”, sabi ni Mayor Ruffy Biazon.
Mula 2015, ang Muntinlupa ay nagsasagawa na ng taunang Takbo, Tatay, Takbo bilang paggunita sa Araw ng mga Ama, habang isinusulong din ang kalusugan at aktibong pakikilahok sa komunidad. (Bhelle Gamboa)