5 Chinese nationals at Pinoy driver na isinasangkot sa pamamaril sa Parañaque City arestado
Naaresto sa hot-pursuit operations ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station ang limang Chinese nationals at isang Pilipinong driver matapos umanong masangkot sa nangyaring pamamaril sa loob ng isang residential building sa Roxas Boulevard, Barangay Tambo sa lungsod kamakailan.
Inanunsyo ni Southern Police District (SPD) District Director, Brigadier General Leon Victor Rosete ang pagkakaaresto ng mga suspek na kinilalang sina alyas Peng,43-anyos; alyas Cheng; alyas Deng; alyas Ken,isang Pinoy driver/bodyguard; alyas Tu, 42-anyos; at alyas Liu, 34-anyos.
Patuloy pang pinaghahanap ang apat pang suspek na sina alyas Yu, 32-anyos, Chinese national; alyas Marlon, isang Pinoy; alyas Bo, Chinese national; at alyas Tony,Pinoy driver.
Samantala ginagamot sa Ospital ng Parañaque ang dalawang biktimang Chinese nationals na sina alyas Li at alyas Li na kapwa nakatira sa nabanggit na gusali sa lugar, matapos magtamo ng mga tama ng bala sa kanilang katawan.
Naganap ang pamamaril sa mga biktima noong June 15 dakong alas-12:10 ng madaling araw kung saan limang basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.
Nakatulong ang mga impormasyong ibinigay ng ilang saksi sa isinagawang imbestigasyon ng otoridad hanggang sa matunton ang mga suspek sa magkakahiwalay na lugar.
Nabatid na nadakip si alyas Peng at Deng sa Pasay City habanv sa Clark, Pampanga natimbog si alyas Cheng. Narekober na ebidensiya ang isang .22 Magnum Revolver at 9mm pistol na may mga bala.
Nahuli si alyas Ken sa kanyang tinitirhan at nakumpiska ang .9mm pistol, extra magazines, cellular phone, at motorsiklo.
Lumilitaw sa imbestigasyon na si alyas Bo ang itinuturong mastermind sa likod ng nangyaring pamamaril.Siya ay naaresto ng CIDG-SPD noong December 2022 dahil sa ibang kriminal na aktibidad.
Itinuturing ngayon ng otoridad ang kaso bilang cleared at solved.
Inihahanda na ng otoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at frustrated murder laban sa mga suspek.
Ang anim na suspek ay dinala sa SPD Forensic Unit sa Camp Bagong Diwa para sa paraffin tests habang isasailalim naman sa ballistic examination ang narekober na mga baril. (Bhelle Gamboa)