Las Piñas LGU may bagong environmental at health vehicles
Pinabasbasan ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang nakuhang mga bagong sasakyang pangkalikasan at pangkalusugan sa ginanap na simpleng seremonya sa City Hall grounds nitong June 11.
Ang mga bagong karagdagang sasakyan ay kinabibilangan ng pitong compactor trucks, dalawang mini dump trucks, isang manlift truck para sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), at isang mobile laboratory naman sa City Health Office (CHO).
Ang pitong compactor trucks ay gagamitin ng CENRO sa pagpapahusay ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan sa regular na pangongolekta ng mga basura.
Habang ang karagdagang dalawang mini dump trucks ay inilaan ng CENRO sa clean-up operations, clearing operations, at pagkolekta ng iba pang basura samantalang gagamitin ang bagong manlift truck sa city-wide tree trimming activities upang siguruhin ang kaligtasan sa komunidad.
Dumalo sa kaganapan sina City Mayor Imelda T. Aguilar, Vice Mayor April Aguilar, mga miyembro ng Las Piñas Management Committee, at kinatawan ng CENRO, CHO, at department heads.
Sumasalamin ito sa kahandaan ng lokal na pamahalaan sa pagpapaganda ng mga serbisyo sa kapaligiran at pampublikong pangkalusugan. (Bhelle Gamboa)