Sen. Tolentino nakiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan at Peace Summit sa Quezon Province

Sen. Tolentino nakiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan at Peace Summit sa Quezon Province

Pinangunahan nina Senate Majority Floor Leader Senator Francis Tolentino at Governor Doktora Helen Tan ang seremonya ng pagtataas ng watawat ng Pilipinas at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng pambansang bayani Dr. Jose Rizal sa Perez Park, Lungsod ng Lucena, Lalawigan ng Quezon kaugnay ng pagdiriwang ng ika-126 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Naging paunahing pandangal at tagapagsalita din si Senator Tolentino sa isinagawang Quezon Province Peace Summit 2024 kaalinsabay ng unang taong anibersaryo ng pagkakadeklara bilang Stable Internal Peace and Security (SIPS) o pagiging Insurgency-Free Province ng Lalawigan ng Quezon ngayong araw, Hunyo 12, sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.

Sa kanyang pananalita, binati nito ang Lalawigan ng Quezon sa pagiging kauna-unahang nagdeklara bilang insurgency-free sa bansa.

Ayon kay Tolentino, ang pamahalaan ay naglaan ng pondo para suportahan ang Barangay Development Programs ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nagkakahalaga ng P2.160B para sa 864 cleared barangays sa bansa kung saan ang bawat barangay ay tatanggap o tumanggap na ng 2.5M para sa mga programa at proyektong magpapanatili ng kapayapaan sa barangay.

Pagpapatunay aniya ito na ang pamahalaan sa kasalukuyan ay matibay ang paninindigan na ang dapat na tamang basehan ng kaunlaran ay kapayapaan.

Ibinalita din ng senador ang pagdalo ng Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon sa isang Global Peace Summit na isasagawa sa Switzerland na patunay na ang Pangulo ng bansa, ang administrasyon ngayon ay nakatutok sa kapayapaan.

Samantala, tungkol naman sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) ay nagpahayag ng pagkabahala si Senador Tolentino sa nalalapit na Hunyo 15 na petsang ibinigay ng China o Chinese Coast Guard na pag-aresto sa mga mangingisdang Pinoy na magtatangkang pumasok sa Bajo de Masinloc.

Bilang bahagi naman ng patuloy na pangangalaga sa karagatang sakop ng Pilipinas ay ang pagtatayo ng mga Naval Base sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang dito ang bayan ng Polillo.

Sa huli ay binati ng opisyal ang lalawigan ng Quezon sa patuloy na pagtahak sa landas ng kapayapaan at pagkakaisa para sa pag-unlad at pagbabago ng lalawigan na nakamtan sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat ng opisyal ng pamahalaang panlalawigan at mga bayan sa pamumuno ni Governor Tan. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *