Solar-Powered Pump Irrigation Project pinasinayaan sa Isabela
Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bago at pinakamalaking Solar-Powered Pump Irrigation Project sa Brgy. Cabaruan, Quirino, Isabela.
Umaasa si Pangulong Marcos na ngayong natapos na ang proyekto, mapapataas na ang produksyon ng produktong agrikultura sa lugar dahil sa maayos na ang irigasyon.
Nasa P65.77 milyon ang inilaang pondo sa proyekto na sinimulang gawin noong Hulyo 2023 at natapos noong Pebrero 2024.
Binubuo ang pumping station ng 1,056 solar panels at kayang makabuo ng total wattage output ng 749,200 watts, may dalawang unit ng submersible pumps na may output discharge capacity na 12,800 gallons per minute.
Kaya nitong bigyan irrigation water service ang nasa 350 ektaryang lupang sakahan
Ayon sa pangulo, layunin nito na mapabababa ang production costs ng may 247 na magsasaka sa lugar na matagal nang umaasa sa gasoline o diesel-engine/water pumps.
“Napakalaki ng naging katipiran natin dito dahil bukod sa libre na ang pagkukuhanan ng kuryente, inilagay mismo sa taas ng irrigation canal ang ating solar panel, kaya hindi nito mababawasan ang lupang tinataniman ng ating mga magsasaka,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Kasama ni Pangulong Marcos si Speaker Martin Romualdez.
Pagtitiyak ni Romualdez, bibigyan ng buong suporta ng Kongreso ang sektor ng pagsasaka sa bansa.
Katunayan, ayon kay Romualdez dinagdagan ng Kongreso ang pondo sa NIA para sa pagpapagawa ng mga karagdagang irigasyon.
Una nang inatasan ni Pangulong Marcos ang National Irrigation Administration na magtayo ng mga Solar-Powered Pump Irrigation projects sa ibat ibang bahagi ng bansa para matulungan ang mga magsasaka na mapataas ang kanilang produksyon sa pagsasaka.
Itinuturing ang probinsya ng Isabela na Rice Granary of the North. (DDC)