Higit 300 kabataan naserbisyuhan sa programang libreng tuli sa Las Piñas City
Mahigit 300 na kabataan ang lumahok sa matagumpay na libreng tuli na handog ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa pangangasiwa ng kanyang City Health Office (CHO), na isinagawa sa Mayor Nene Aguilar DRRMO Building sa Barangay Talon Dos.
Nakatanggap ang mga kabataan ng mahahalaga at libreng serbisyong medikal mula sa lokal na pamahalaan.
Personal na tinutukan naman ni Vice Mayor April Aguilar kasama si CHO Officer-in-Charge Dr. Juliana Gonzalez ang naturang proyekto at binigyang-suporta ang medical team ng lungsod.
Siniguro ng CHO na napagkalooban ang lahat ng kabataang natuli ng kinakailangang medikasyon para sa kanilang pangangalaga at mabilis na paggaling.
Kabilang sa ibinigay na libreng gamot ay ang antibiotics, pain relievers, at vitamins.
Ang inisyatibang ito ay bahagi sa nagpapatuloy na programang pangkalusugan ng Las Piñas na naglalayong magbigay ng accessible healthcare services sa komunidad.
Ang susunod na mga grupo ng kabataan ay nakatakdang tumanggap ng libreng tuli sa June 11 at June 15.
Hinihikayat naman ang mga interesadong residente na nais kumuha ng nasabing serbisyo na magtungo sa kani-kanilang barangay health centers para sa pre-screening at registration. (Bhelle Gamboa)