30,000 titulo ng lupa naipamahagi na sa mga magsasaka ayon kay Pang. Marcos
Ibinida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nasa 30,000 na titulo ng lupa o Certificates of Land Ownership at Electronic Titles ang naipamahagi na ng Department of Agrarian Reform (DAR) mula Enero hanggang Mayo ngayong taon.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa Pili, Camarines Sur, sinabi na nasa 30,000 magsasaka ang nabigyan ng titulo.
Sa Bicol region lamang aniya, nasa 2,100 na titulo ng lupa ang naipamahagi sa mahigit 2,000 agrarian reform beneficiaires.
Ayon sa pangulo, mayroon pang 36,000 na titulo ng lupa ang ipamimigay sa mahigit 30,000 magsasaka ang ipamimigay bago matapos ang taong 2024.
“Magsisilbing tulay ang Certificates of Land Ownership Award at ang mga E-Titles na ito tungo sa mas marami pang oportunidad. Nang sa gayon ay [mapagtagumpayan ninyo] ang mga pagsubok na hinaharap ninyo — sa pagsubok sa buhay at matupad ang inyong mga pangarap,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Bukod sa titulo ng lupa, namahagi rin ang Pangulong ng ibat ibang uri ng ayuda.
Nagbigay ang Office of the President ng P60 milyong halaga ng tulong sa Camarines Sur at Camarines Norte.
Nasa 600 na farm machineries at equipment na nagkakahalaga ng P2 milyon ang ipinamigay ni Pangulong Marcos sa Bicol region.
Nasa 276 na benepisyaryo ng Ayuda sa Kapos sa Kita Program o AKAP ang nakatanggap ng cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development na aabot sa maahigit P800 milyon.
Namigay din ang Department of Labor and Employment ng mga padyak para sa higit na 100 benepisyaryo at cash payout para sa mga nasa ilalim ng programa ng DOLE na Tupad.
Natapos na rin aniya ang walong farm-to-market roads na maglalapit sa produkto ng mga magsasaka sa mga mamimili.
Siyam pa na farm-to-market roads ang ipapagawa sa iba’t-ibang bahagi ng Region V.
Nabatid na nasa 80,000 pamilya mula sa 900 na barangay sa Bicol region ang naapektuhan ng El Niño.
Nasa P500 milyong halaga ng agrikultura ang nasira. (DDC)