Pari na nakipagtalo sa Obispo sa loob ng simbahan sa Tondo, pinatawan ng suspensyon
Pinatawan ng suspensyon ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang pari na nakiapgtalo sa obispo sa parokya sa Tondo, Maynila.
Sa inilabas na pahayag ng Archbishop of Manila, suspendido sa pagiging pari si Fr. Alfonso Valeza at bawal na nitong gampanan ang lahat ng priestly activities dahil sa paulit-ulit niyang pagsuway sa Manila archbishop.
Pinagbawalan si Valeza na magsagawa ng mga sakramento.
Pansamantala ang Archbishop of Manila ang mangangasiwa sa St. Joseph Parish sa J. Luna Street sa Tondo, Maynila.
Bumuo din ng Parish Administration team na kabibilangan nina Rev. Fr. Reginald Malicdem, bilang Team Ministry Moderator; at sina Rev. Fr. Nolan A. Que, at Rev. Fr. Gilbert Kabigting, bilang Team Ministry Member.
Una ng lumabas ang video ng pagtatalo sa pagitan nina Valeza at Novaliches Bishop Antonio Tobias sa loob ng opisina ng simbahan.
Inamin ng pari na ang pagtatalo ay nag-ugat bunsod ng pag-alis sa kaniya sa parokya dahil sa mga alegasyon ng korapsyon. (DDC)