Hakbang kontra dengue sa Muntinlupa pinaigting
Mas pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ang mga hakbang nito para iwasan ang dengue sa pamamagitan ng mga programa na humihikayat sa komunidad na makilahok sa iba’t ibang clean-up activities.
Sa ilalim ng programang Make Your City Proud (MYCP), isang volunteerism program ng lungsod, hinihikayat ang mga residente na makilahok sa sabayang paglilinis sa lahat ng barangay.
Sa buong buwan ng Hunyo, kung kailan ipinagdiriwang ang dengue prevention month, magkakaroon din ng mga lecture sa iba’t ibang komunidad tungkol sa pag-iwas sa dengue.
“Ang laban kontra dengue ay nangangailangan ng pagkakaisa ng buong komunidad. Ang kaligtasan ng ating mga pamilya ay isang sama-samang responsibilidad, at nagpapasalamat ako sa aktibong pakikilahok ng ating komunidad,” sabi ni Mayor Ruffy Biazon.
“Sama-sama, kaya nating bawasan ang panganib ng dengue at lumikha ng mas malusog na kapaligiran para sa lahat.”
Kailangan lamang mag-sign up ng mga residente sa mga aktibidad na nais nilang salihan, mag-volunteer, at makakakuha sila ng puntos sa ilalim ng programang MYCP. Ang mga puntos na ito ay maaaring ipalit sa mga produkto mula sa Kenny Rogers, Pancake House, mga grocery item, at iba pa.
Ayon sa World Health Organization, ang dengue ay kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok (Aedes aegypti). (Bhelle Gamboa)