Pampaputi na nagtataglay ng mercury, laganap sa Tacloban City
Ikinabahala ng toxics watchdog group na BAN Toxics ang paglipana ng produktong pampaputi na nagtataglay ng mercury sa Tacoban City.
Sa ginawang market surveillance ng grupo, over-the-counter na nabibili sa lungsod ang tatlong variants ng Goree skin lightening products na nauna ng pinatawan ng ban ng Food and Drug Administration (FDA) dahil delikado ito sa kalusugan.
Ayon sa BAN Toxics, ibinebenta ang Goree Beauty Cream with Lycopene Avocado & Aloe Vera, Goree Day & Night Beauty Cream Oil Free Total Fairness, at Goree Gold 24K Beauty Cream, sa halagang P300 hanggang P350 sa mga beauty and wellness shops sa lungsod.
Gamit ang Chemical XRF Analyzer, natuklasan ng BAN Toxics na ang taglay na nakalalasong mercury ng nasabing mga produkto ay masyadong mataas.
Ayon sa FDA, ang mataas na antas ng toxic mercury sa mga cosmetics products ay maaaring magdulot ng kidney damage, skin rashes, skin discoloration, at scarring.
Nanawagan naman si Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics sa FDA Region 8 na magsagawa ng post-marketing surveillance at ipagbawal ang pagbebenta ng nasabing mga produkto. (DDC)