Mga produktong nabibili sa Shein, nagtataglay ng nakalalasong kemikal; BAN Toxics umapela ng imbestigasyon
Umapela ang Environmental NGO na BAN Toxic sa pamahalaan na imbestigahan ang online shopping platform na “Shein” sa pagbebenta nito ng mga produktong may taglay na mataas na antas ng nakalalasong kemikal.
Tinukoy ng grupo ang findings ng Seoul City government na nagsasabing ang mga produktong pambata na nabibili sa Shein ay ay may taglay na nakalalasong kemikal at delikado sa kalusugan.
Sa ulat sa South Korea, nagsagawa ng safety inspections ang Seoul government dahil sa pangamba hinggil sa mga produktong nabibili sa Chinese e-commerce platforms.
Pito sa walong produktong sinuri mula sa Shein ang natuklasang nagtataglay ng formaldehyde and phthalates na lagpas sa safety limits.
Kabilang dito ang pares ng pambatang sapatos na na ang taglay na phthalates ay lagpas ng 428 times kumpara sa permitted limit.
Ang phthalates ay ginagamit bilang plasticizers at ang pagkakalantad dito ay maaaring may epekto sa reproductive, neurological, at developmental systems ng tao.
Ang paggamit ng phthalates sa mga laruang pambata ay ipinagbabawal ng Food and Drug Administration (FDA).
Pero ayon sa BAN Toxics, wala pang kautusan hinggil dito ang FDA patungkol sa mga damit, bag at sapatos.
Ayon kay Thony Dizon, Campaign and Advocacy Officer ng BAN Toxics, labis itong nakababahala dahil ang Shein ay isa sa mga pinakamalaking online e-commerce platforms sa Pilipinas lalo na sa mga kabataan.
Nanawagan ang grupo sa mga regulayory agency sa bansa na magsagawa din ng safety tests sa mga produktong ng Shein. (DDC)