Bagong CAA-C Health center binuksan na ng Las Piñas LGU
Binuksan na ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa pangunguna ni Vice Mayor April Aguilar ang bagong CAA- Health Center sa Barangay BF International CAA bilang pagpapahusay sa mga serbisyong pangangalagang pangkalusugan ng mga residente.
Ang inagurasyon ng bagong health center ay pinangunahan ni VM Aguilar kasama si City Health Office OIC Dr. Juliana Gonzalez.
Kabilang sa mga alok ng health center ang komprehensibo at libreng mga serbisyo sa infant at child immunization, medical consultations, at dental services gaya ng tooth extractions, fluoride treatments, at free dentures o pustiso. Nagkakaloob din ito ng pre-natal at post-partum care, tuberculosis diagnosis at treatment, adolescent mental health at teenage pregnancy counseling.
Makukuha rin ang iba pang serbisyo katulad ng STI/HIV screening, management of lifestyle-related diseases kabilang ang hypertension, diabetes, at cancer, mayroon din cervical screening, nutrition assessment at counseling.
Magsisilbi ang health center bilang pagtutok sa pangangalaga sa mga Green Card o Las Piñas City Health Program (LPCHP) holders at magbigay ng referrals para sa diagnostic laboratory services.
Ang opisyal na pagbubukas ng CAA-C Health Center ay pagpapakita sa mahalagang hakbang sa pagtugon ng kinakailangang alagang pangkalusugan para mga residente at ng mas maayos na komunidad upang siguruhin na madaling makukuha nila ang mahahalagang serbisyong medikal na handog ng lokal na pamahalaan.(Bhelle Gamboa)