BI binalaan ang publiko sa OEC na ibinebenta online
Nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa mga aplikante bilang overseas Filipino workers (OFWs) na iwasang bumili ng mga dokumento sa pamamagitan ng social media platforms at messaging apps.
Kamakailan ayon kay Tansingco ilang Pinay ang nagpresenta ng pekeng Overseas Employment Certificate (OEC) na kanilang binili umano sa WhatsApp at Facebook.
Binanggit ni Tansingco ang pagkakaharang sa isang 49-anyso na babae sa Clark International Airport (CIA) na paalis sana ng bansa lulan ng Emirates airlines patungong United Arab Emirates (UAE).
Nabatid na peke ang OEC na hawak ng babae na kinilalang si alyas “”Valerie” at inamin nitong nabili niya ang dokumento sa pamamagitan ng WhatsApp sa halagang P7,200.
Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 naman, isang 25-anyos na si alyas ‘Lovely’, ang aalis din sana patungong Kuwait lulan ng Gulf Air flight.
Gayunman, nakita ng immigration authorities na peke ang dala niyang OEC.
Ayon kay Tansingco, ang nasabing dokumento ay hindi dapat binibili sa online dahil tiyak na scam ito.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para matukoy kung sino ang nasa likod ng mga ibinebentang pekeng OEC. (DDC)