Illegal trading ng gma ipinagbabawal na beauty products laganap sa Tuguegarao City
Ikinabahala ng toxic watchdog group na BAN Toxics ang patuloy na pagbebenta ng mga ipinagbabawal na beauty products sa Tuguegarao City sa Cagayan.
Sa isinagawang market monitoring ng grupo, nagawa nitong makabili ng ng skin whitening products na kontaminado ng nakalalasong mercury, na ang presyo ay P200 hanggang P250 sa Mall of the Valley sa Tuguegarao City.
Gamit ang Vanta C Series HH XRF Analyzer, natuklasan ng grupo na ang Goree Beauty Cream with Lycopene Avocado & Aloevera ay nagtataglay ng 27,380 parts per million (ppm) ng mercury, ang Goree Day & Night Beauty Cream Oil Free Total Fairness System ay mayroong 29,930 ppm, at ang 88 Total White Underarm Cream ay mayroong 3,895 ppm.
Lahat ng samples na nabili ng BAN Toxics ay mayroong taglay na mercury na lagpas sa allowable limit na 1 ppm na itinatakda ng Food and Drug Administration (FDA).
“It is alarming to discover that other cities and provinces besides Metro Manila are not spared from the illegal trading of mercury-added skin lightening products, thus jeopardizing public health and the environment,” pahayag ni Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics.
Una ng nagpalabas ng public health advisories ang Food and Drug Administration (FDA) sa paggamit at pagbebenta ng nabanggit na mga produkto. (DDC)