Klase magsisimula ng July 29, 2024 at magtatapos ng Apr. 15, 2025 – Malakanyang

Klase magsisimula ng July 29, 2024 at magtatapos ng Apr. 15, 2025 – Malakanyang

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsisimula ng klase sa July 29 para sa School Year 2024-2025.

Ang susunod na school year ay matatapos ng April 15, 2025 bilang hakbang para unti-unting maibalik sa katapusan ng Marso ang pagtatapos ng school year.

Ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) pinulong ni Pangulong Marcos si Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte sa Malakanyang para talakayin ang dalawang opsyon sa pagpapatupad ng School Year (SY) 2024-2025 calendar.

Ang unang opsyon ay ang pagkakaroon ng 15 araw na in-person Saturday classes para maisakatuparan ang 180 school days.

Habang ang ikalawang opsyon naman ay magkakaroon lamang ng 165 school days at wala ng gagawing in-person Saturday classes.

Sa dalawang opsyon, matatapos ang susunod na SY ng March 31, 2025.

Pero ayon kay Pangulong Marcos, masyadong maiksi ang 165-day school calendar at maaari itong makaapekto sa learning outcomes ng mga mag-aaaral.

Hindi rin nais ng pangulo na magkaroon ng Saturday classes ang mga estudyante para lamang makumpleto ang 180-day school calendar.

Bilang solusyon, sinabi ng pangulo na sa halip na gawing March 31, 2025 ang pagtatapos ng School Year ay gawin na lamang itong April 15, 2025.

“Habaan lang natin ‘yung school days. Para matagal, dagdagan na lang natin ‘yung school days basta huwag natin gagalawin ‘yung Saturday. So, school day will remain the same. Standard lang,” ayon sa pangulo. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *