DSWD kinalampag ang Facebook sa pagdami ng FB pages na ginagamit sa pagbebenta ng sanggol
Umapela ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Facebook na i-take down ang mga Facebook page na sangkot sa pagbebenta ng sanggol.
Ginawa ng DSWD ang panawagan kasunod ng pagkakaaresto sa isang ina na nagtangkang ibenta ang kaniyang 8-buwang gulang na anak online.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, sa pamamagitan ng National Authority for Child Care (NACC), hiniling na nila sa Facebook na i-takedown ang mga pages sa sangkot sa ilegal na aktibidad.
Nanawagan din ang DSWD sa publiko na i-report ang mga Facebook page na sangkot sa pagbebenta ng sanggol.
Sa ilalim ng Republic Act 9208 as amended by RA 10346 na inamyendahan ng RA 11862 o Anti-Trafficking in Person Act of 2023 mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng sanggol.
Ito ay may katapat na parusa na 12-taon hanggang habangbuhay na pagkakakulong, at multa na P1 million hanggang P5 million.
Ayon kay NACC executive director Undersecretary Janella Estrada mayroon silang binabantayan na 20 hanggang 40 Facebook pages na sangkot sa baby at child trafficking. (DDC)