Chinese national na gumamit ng pekeng Mauritius Passport at ID, arestado ng BI
Inaresto ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang isang dayuhang pasahero na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 galing Bangkok.
Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement (I-PROBES) dumating sa bansa ang 32-anyos na si Wang Weiqiang lulan ng flight ng Philippine Airlines at iprinisinta sa immigration counter ang pekeng Mauritius passport at ID.
Pero lumitaw sa rekord ng BI na dati ng bumiyahe sa Pilipinas si Wang gamit ang Chinese passport.
Sa ginawang interogasyon, inamin ng dayuhan na nakuha niya ang mga pekeng dokumento sa halagang 200,000 USD.
Inamin din nito na hindi pa siya nakakapunta ng Mauritius.
Dahil dito, hindi na pinayagang pumasok sa bansa si Wang at inilagay na din ito sa blacklist ng BI. (DDC)