Batang Jiu Jitsu Champion mula sa Las Piñas City
Malugod na tinanggap ni Las Pinas City Mayor Imelda Aguilar ang 6-taong gulang na batang Jiu Jitsu Champion na si Jeon Bradley Dela Cruz sa isinagawang pagbisita nito sa City Hall kamakailan.
Si Jeon ay nakipagkompetensiya sa ASEAN International Jiu Jitsu Open Championship 2024 kung saan nagwagi siya ng gintong medalya sa ilalim ng Kindergarten Rooster Division.
Bukod dito, sumali rin si Jeon sa Marianas Pro Manila Brazilian Jiu Jitsu Championship 2024 at mapalad na nagkamit ng gold medal sa parehong division.
Ang tagumpay ng nasabing batang Las Pinero sa ganitong mga prestihiyosong kompetisyon ay nagbigay-diin sa kanyang talento at dedikasyon sa sport.
Masayang binati ni Mayor Aguilar si Jeon sa mga tagumpay nito at ipinagmamalaki na siyang kinatawan ng Las Piñas sa international level.
Pinuri ng alkalde si Jeon dahil sa musmos nitong edad ay naghatid siya ng magandang karangalan sa lungsod at nabigyang importansiya ang pagpupursige at dedikasyon na nagpapatunay sa nakamit nitong mga tagumpay.
Magsisilbing inspirasyon sa mga kabataang atleta sa Las Piñas ang tagumpay na ito ni Jeon bilang pagpapakita ng pangako at suporta upang abutin din ang kanilang mithiin. (Bhelle Gamboa)