Mahigit 15,000 ektarya ng lupang sakahan naipamahagi na ng administrasyon ngayong taon
Aabot sa mahigit 15,000 ektarya ng lupang sakahan ang naipamahagi na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mahigit 9,000 benepisyaryo ng agrarian reform program ngayong taon.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa pamamahagi ng titulo ng lupa sa Lamberto Macias Sports and Cultural Centre sa Dumaguete City, Negros Oriental, sinabi nito na nasa 65 porsyento na ang Department of Agrarian Reform (DAR) mula sa 23,000 ektaryang annual target.
“Ito ay patunay ng ating patuloy at walang humpay na pagsisikap na tuparin ang aming pangako na kukumpletuhin namin ang Repormang Agrarya dito sa ating minamahal na Pilipinas,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Nasa 3,800 na Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) ang ipinamahagi ni Pangulong Marcos sa agrarian reform beneficiaries sa mga probinsya ng Bohol, Cebu, at Negros Oriental.
Nagbigay din si Pangulong Marcos ng limang yunit ng four-wheeled tractors at food dehydrator na nagkakahalaga ng P7.3 milyon sa anim na agrarian reform beneficiary organizations.
Inaasahang nasa 1,940 na magsasaka sa Negros Oriental ang makikinabang dito.
Ayon kay Pangulong Marcos, naglaan din ang gobyerno ng P100 milyong pondo para sa Konstitusyon ng farm-to-market roads sa Negros Oriental habang nasa P34 milyon ang inilaan sa Siquijor province. (DDC)