Mid-year bonus ng mga kawani ng gobyerno matatanggap na simula May 15
Inanunsyo ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman na ang mga kwalipikadong kawani ng gobyerno ay makatatanggap ng kanilang mid-year bonus simula ika-15 ng Mayo ngayong taon.
Paalala ng kalihim sa mga ahensya ng gobyerno, tiyakin ang pagpapalabas ng bonus ng kanilang mga empleyado sa tamang petsa.
Ang mid-year bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay ng mga kwalipikadong kawani ng gobyerno.
Ito ay ibinibigay sa mga karapat-dapat na mga kawani na nagtrabaho ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.
Ang empleyado ay dapat na nasa serbisyo pa rin ng gobyerno mula Mayo 15 ng kasalukuyang taon at dapat ay nakatanggap ng hindi bababa sa satisfactory performance rating sa pinakahuling rating period, o naaangkop na panahon ng performance appraisal.
Ibibigay ang mid-year bonus sa mga civilian personnel, kasama ang mga regular, casual, at contractual employees.
Kasama ring tatanggap ng bonus ang mga appointive o elective positions, maging full-time o part-time, sa mga sangay ng Executive, Legislative, at Judicial branches, Constitutional Commissions, ibang pang Constitutional Offices, State Universities and Colleges (SUCs), at Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) na sakop ng Compensation and Position Classification System (CPCS), pati na rin ang mga local government units (LGUs).
Tatanggap din ng bonus ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Department of National Defense, pati na rin ang mga tauhan ng Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, Philippine Coast Guard, at National Mapping and Resource Information Authority o NAMRIA. (DDC)