101 na Chinese Softshell Turtle, isang kahon na puno ng Tarantulas nakumpiska ng DENR
Mahigit isangdaang Chinese Softshell Turtle at tarantulas ang nakumpiska ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Pasay City kamakailan.
Sa ikinasang buy-bust at entrapment operation katuwang ang Philippine National police, nakumpisa ng DENR-NCR ang 101 na piraso ng Chinese Softshell Turtle mula sa isang lalaking Chinese national.
Ayon sa DENR, sa nasabing bilang, 89 ang buhay at 12 ang patay na.
Ang suspek na Chinese ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Samantala sa hiwalay na operasyon, nakumpiska din ng DENR-NCR at ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang isang kahon na naglalaman ng mga tarantula sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Galing ang kargamento sa Poland at naka-consign sa isang residente sa Laguna.
Walang Import Certification mula sa DENR ang shipment.
Ang mga tarantula ay tinago sa loob ng walong medium plastic tubes at 76 piraso ng small plastic tubes. (DDC)