Pilipinas walang balak gumanti sa China gamit ang water cannons
Walang balak si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patulan at gantihan ng water cannon ang ginawang pambobomba ng tubig ng China sa barkong Datu Bankaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc noong nakaraang linggo.
Sa ambush interview kay Pangulong Marcos sa Pasay City, sinabi nito na hindi gagamit ng water cannon ang mga barko ng Pilipinas.
Wala aniyang balak ang Pilipinas na umatake sa kahit na anong bansa.
“No. We are.. what we are doing is defending our sovereign rights and our sovereignty in the West Philippine Sea and we have no intention of attacking anyone with water cannons or any other such offensive, we have to call them weapon dahil nagkakadamage na, so, no that is not something that’s in the plan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Matatandaang nasira ang barko ng Pilipinas dahil sa malakas na water cannon na ibinuga ng barko ng China.
Ipinatawag na ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Chinese Embassy of Manila Deputy Chief of Mission Zhou Zhiyong para pagpaliwanagin sa insidente.
Magsasagawa sana ng routine humanitarian mission sa Bajo de Masinloc ang barko ng Pilipinas nang atakihin ng China. (DDC)