Panukalang ibalik ang kapangyarihan ng NFA na makapagbenta muli ng bigas sa mga pamilihan, suportado ng DA
Suportado ng Department of Agriculture (DA) ang panukala na ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na makabili at makapagbenta ng mas murang bigas.
Ginawa ni DA Assistant Sec. Arnel de Mesa ang pahayag kasunod ng panukala ni House Speaker Martin Romualdez na amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL).
Sinabi ni De Mesa na dahil sa isinasaad ng RTL, hindi nakatutulong ang NFA kapag nagkakaroon ng kakapusan ng suplay ng bigas at nagmamahal ang presyo sa mga pamilihan.
Sa ilalim ng panukala sa Kamara, nais na mabigyan muli ng kapangyarihan ang NFA na makapagbenta ng bigas sa mga pamilihan, upang magkaroonn g opsyon ang mga mamimili sa murang presyo ng bigas.
Sa ngayon kasi ang presyo ng local regular milled rice ay nasa P50 kada kilo, habang P48 hanggang P55 naman ang kilo ng well-milled rice.
Ang imported regular milled rice naman ay nasa P48 hanggang P51 ang presyo kada kilo, habang ang imported well-milled rice ay P51 hanggang P54 kada kilo. (DDC)