Gov. Helen Tan ipinatigil ang quarry operations sa Sariaya, Quezon
Iniutos ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang pagpapatigil sa lahat ng quarry operations sa bayan ng Sariaya sa lalawigan ng Quezon.
Ito ay makaraang makarating kay Tan ang panawagan ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta na hinihikayat ang mga residente ng kanilang bayan na tutulan ang operasyon ng quarry o pagmimina.
Hinikayat din ni Tan si Mayor Gayeta na pag-aralan ang mga ibinigay na bussiness permit sa mga PMRB Quarry Permitee.
Ito ay para mabigyang-daan ang komprehensibong pag-aaral para sa wastong pangangalaga ng kalikasan at paglinang ng likas na yaman, partikular na ang mga lugar na nasa paligid ng Bundok Banahaw.
“Simula’t sapol bahagi ng aking adbokasiya ang pangangalaga ng ating inang kalikasan at ang responsable at sustinableng paggamit ng mga likas na yaman. Kaya naman simula ng ihalal ninyo ako bilang gobernadora, agaran kong tinagubilin ang mahigpit na regulasyon sa quarrying operations sa ating lalawigan” ayon sa pahayag ni Tan.
Inatasan din ng gobernadora ang PMRB na alamin ang pagkukulang ng mga PMRB Quarry Permitee na hindi nakapag-operate sa bayan ng Sariaya dahil hindi nabigyan ng Mayor’s Permit upang mas mapaigting ang ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng mga Pamahalaang Bayan para sa responsable at sustinableng paglinang ng likas na yaman.
quarry operationsMaliban dito ay ipnatitiyak ni Tan sa PMRB na walang ilegal na quarry operation sa iba pang bahagi ng lalawigan ng Quezon.
Samantala, ipinag-utos naman ni Gov. Tan sa PG-ENRO na agarang ipatupad ang nakasaad sa Section 102 ng Revised Environmental Code kung saan magtatalaga ng mga lugar na idedeklarang “closed to mining application” partikular na sa mga lugar na malapit sa mga protected areas. (DDC)