Backpacker na nagbayad ng P30K para ilegal na makapagtrabaho sa Thailand, naharang ng BI
Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 29-anyos na trafficking victim sa tangka nitong pag-alis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 para ilegal na magtrabaho sa Thailand.
Ayon sa immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI, sa pahayag ng biktima, mag-isa siyang bibiyahe para magbakasyon sa nasabing bansa.
Nagpakita ito ng Cebu Pacific round trip ticket at mga ID na magpapatunay na nagtatrabaho siya sa isang manpower agency sa Pilipinas.
Dahil sa hindi nagtutugmang mga pahayag nito sa primary inspection ay nagsagawa ng secondary inspection sa kaniya.
Doon natuklasan na nagpakita ang biktima ng pekeng return ticket at kalaunan ay inamin nito na magtatrabaho siya sa isang online gaming company sa Thailand.
Ayon sa biktima, ni-recruit siya sa pamamagitan ng Telegram, nagbayad siya ng P30,000 at pinangakuan na susweldo siya ng $1,200 kada buwan. (DDC)