4 na Pinoy crew ng barko na hawak Iranian authorities nasa maayos na kondisyon
Nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya ng apat na Pinoy seamen na kabilang sa sakay ng barkong hawak ng mga Iranian authorities.
Pinasok ng Iranian authorities ang container ship na MSC Aries habang ito ay naglalayag sa Hormuz Strait noong Apr. 13.
Ayon sa DMW, tinitiyak ng pamahalaan ang kaligtasan ng apat na Pinoy crew.
Patuloy ang ugnayan ng DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA), sa manning agency, ship manager at operator ng barko.
Una ng sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na maayos ang kondisyon ng apat na Pinoy at ng iba pang mga crew ng nasabing barko.
Normal lang umanong ginagampanan ng mga crew ang kanilang trabaho at pinangakuan sila ng Iranian authorities na pakakawalan sila ng ligtas. (DDC)