Higit P1M na halaga ng shabu nakumpiska; HVI arestado sa Las Piñas City
Pinuri ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Major General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mahusay na anti-illegal drug operation ng Regional Drug Enforcement Unit-NCRPO sa pakikipagtulungan ng Southern Police District-DDEU at SDEU, Las Piñas City Police Station-SDEU na nagresulta ng pagkakakumpiska ng P1,020,000 na halaga ng hinihinalang shabu at pagkakaaresto ng isang High- Value Individual (HVI) sa Las Piñas City.
Kinilala ang suspek na si Romar A. Gerardo, alyas Pare, 23-anyos, na nasugatan sa hita matapos aksidenteng tamaan ng bala makaraang magpupumiglas nang siya ay arestuhin at mang-agaw pa ng baril ng isang pulis.
Agad siyang dinala ng otoridad sa Las Piñas General Hospital upang malapatan ng paunang lunas at nakalabas na ng nasabing pagamutan.
Sa ulat ng NCRPO, isinagawa ang buy-bust operation sa Coastal Road, Barangay Daniel Fajardo, Las Piñas City nitong Abril 9 bandang-5:00 ng hapon na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek at marekober ang tinatayang 150 na gramo ng umano’y shabu.
Si Gerardo at ang bakumpiskang ebidensiya ay dinala sa RDEU habang inihahanda ng otoridad ang pagsasampa ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Nartatez, bahagi ito sa pagtalima sa direktiba ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil na iprayoridad ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng adbokasiyang “Sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng Pulis, Ligtas ka!” kaya patuloy ang NCRPO sa maigting nitong anti-illegal drug operations upang wakasan ang pagkalat ng ilegal na droga.
“Rest assured that NCRPO will continue to bolster our campaigns, utilizing all available resources, and intensify community engagement to combat drug menace in the region,” sabi ni Nartatez. (Bhelle Gamboa)