Pag-iisyu ng protocol license plates sa mga opisyal ng gobyerno pinahihigpitan ni Pang. Marcos

Pag-iisyu ng protocol license plates sa mga opisyal ng gobyerno pinahihigpitan ni Pang. Marcos

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-regulate sa pag-iisyu ng mga protocol license plates sa mga opisyal ng pamahalaan.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang utos sa gitna ng kaliwa’t kanang mga reklamo ukol sa pagdami at hindi awtorisadong paggamit nito.

Batay sa Executive Order (EO) No. 56, mula sa No.16 ay hanggang No.14 na lamang ang mga protocol license plate na ibibigay sa mga opisyal ng gobyerno.

Kabilang dito ang pangulo ng bansa na No.1 ang plaka; Vice President, No.2; Senate President, No.3; House Speaker, No.4; Supreme Court Chief Justice, No.5; Cabinet Secretary, No.6; mga Senador, No.7; mga miyembro ng Kamara o Kongreso, No.8; at mga mahistrado ng Korte Suprema, No.9.

Pinapayagan ding magkaroon ng special plates ang Presiding Justice ng Court of Appeals (CA), Court of Tax Appeals (CTA), Sandiganbayan, at Solicitors General na No.10; chairperson ng Constitutional Commission at Ombudsman, No. 11; at Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at hepe ng Philippine National Police (PNP), No.14.

Sa ilalim ng EO na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang paggamit ng mga protocol license plates ng mga otorisadong opisyal ay batay sa rekomendasyon ng Land Transportation Office (LTO), pagsang-ayon ng kalihim ng DOTr, at batay sa listahan ng lahat ng mga opisyal na may katumbas na ranggo ng mga nabanggit na opisyal ng Department of Budget and Management (DBM).

Binigyang-diin ng EO na bagaman maaaring payagan ang mga mahistrado ng Court of Appeals, Court of Tax Appeals at Sandiganbayan na gumamit ng mga protocol license plates sa pamamagitan ng rekomendasyon ng LTO at pagsang-ayon ng kalihim ng transportasyon, hindi ito nangangahulugan na pahihintulutan na rin ang lahat ng iba pang opisyal na may katumbas na ranggo ng mga mahistrado at hanggang sa ibaba para gumamit ng mga kaparehong plaka.

Samantala, nilinaw sa direktiba ng Pangulo na ang bisa ng mga protocol license plates ng mga awtorisadong opisyal ay sa panahon lamang ng kanilang panunungkulan at dapat gamitin lamang para sa mga sasakyang rehistrado sa kanilang pangalan o opisyal na itinakda sa kanila.

Binigyang diin pa ni Pangulong Marcos na ang mga plaka ay dapat na isuko sa LTO pagkatapos ng kanilang pagreretiro, pagbibitiw sa puwesto o pag-alis sa opisina, o pagtatapos ng kanilang termino o tungkulin. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *