Budget sa Social Pension ng mga indigent senior citizens, dumoble ngayong 2024
Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P49.807 bilyon para sa 2024 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapataas ang buwanang pensyon na ibinibigay ng gobyerno sa mahigit 4 na milyong indigent senior citizens sa buong bansa.
Ang inilaan na budget ngayong taon para sa nasabing programa ay dumoble kumpara sa inilaan noong nakaraang taon na P25.30 bilyon lamang.
Ayon kay DBM Secretary Mina F. Pangandaman, tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na bigyang pagkalinga ang mga senior citizen.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11916, ang mga benepisyaryo ng programa ay tatanggap ng enhanced na buwanang stipend na P1,000 ngayong taon.
Pinagtibay noong Hulyo 2022, dinoble ng batas ang buwanang pensyon para sa mga senior citizen mula P500 hanggang P1,000. (DDC)