QC LGU at DOH nagpulong hinggil sa mataas na kaso ng Pertussis sa lungsod
Nakipagpulong si Health Secretary Dr. Teodoro Herbosa at Undersecretary Dr. Eric Tayag kay Quezon City Mayor Joy Belmonte kaugnay ng pagtaas ng kaso ng sakit na Pertussis sa lungsod.
Kabilang sa natalakay ng magkabilang panig ang kasalukuyang datos ng pertussis, gayundin ang mga hakbang na ikinakasa ng lokal na pamahalaan upang mapigil ang pagdami ng kaso ng sakit na ito.
Iniulat din ni Belmonte ang patuloy sa contact tracing, active case finding, at Health Education sa lungsod sa pangunguna ng mga Disease Surveillance Officer ng QC Epidemiology and Surveillance Division.
Tiniyak naman ni Herbosa na maglalaan ang DOH ng bakuna kontra pertussis sa lungsod.
Nitong April 1, umabot na sa 27 ang aktibong kaso ng pertussis sa QC kung saan lima na rin ang nasawi.
Matatandaang nagdeklara ng Pertussis outbreak ang Quezon City noong March 21, 2024 dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng nasabing sakit, at pagkasawi ng ilang sanggol.
Pinapayuhan ang lahat na pumunta kaagad sa pinakamalapit na Health Center o pagamutan kung makakita o maramdaman ang mga sintomas ng Pertussis tulad ng pag-ubo na may kasabay na pagkahapo at pagsusuka. (DDC)