16 truckloads ng basura nakulekta sa Metro Manila noong nagdaang Semana Santa
Umabot sa 16 na truck ng basura ang nakulekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metroparkways Clearing Group nitong nagdaang Semana Santa.
Ayon sa MMDA, kahit karamihan ay nagsiuwian sa kani-kanilang mga probinsya ay patuloy ang ginawang clearing operations ng mga street sweepers ng MMDA.
Sa isinagawang paglilinis sa mga bus terminals, simbahan, at sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, umabot sa 44.19 tonelada o 16 truckloads na basura ang nakolekta ng grupo sa paglilinis sa Metro Manila.
Panawagan ng MMDA sa publiko, makipagtulungan sa pagpapanatili ng malinis na lansangan at para maiwasan ang pagbaha sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagtapon sa tama ng ating mga basura. (DDC)